Monday, July 21, 2008

Sa Pantalan

SA PANTALAN

Joseph de Luna Saguid

*

Ikatlong gabi.

Kay babaw ng kanilang tulog,

nakasalansan sa kongkretong

sahig ng pantalan.

Kaliwa't kanan ang kanilang pagbiling,

laging nagugulat sa kinamumulatang

mukha ng kapuwa nag-aabang.

*

Sa pagbabalik sa ibabaw ng tubig,

pinakakawalan ng mga sumisid

ang bunton ng kanilang hininga,

ang pangambang naipon sa mga baga.


Basahin sa kanilang mukha

ang katotohanang magiging lihim

ng dagat sa paglipas ng panahon.

Basahin sa kanilang mukha

ang mga salitang hindi maiwika

sa ilalim ng tubig: ang pag-ayaw

(kung maaari lamang suwayin ang utos)

sa muli't muling paglusong

upang maiahon ang trahedya

ng habampanahon.

*

Naidaong na ang lahat

ng mga bangkay.

Patuloy ang pagkaagnas

sa loob ng mga itim na bag,

nakasalansan sa kongkretong

sahig ng pantalan.

Hawak ang larawan, hinahanap

ng mga kamag-anak ang minamahal.

Walang mukhang maiharap

sa kanila ang mga patay.

No comments: