Monday, July 21, 2008

Kung Paano Pa Maaaring Maunawaan Ang Diyos

Kung Paano Pa Maaaring Maunawaan Ang Diyos
Joseph deLuna Saguid


Nang sa wakas mapasakamay ko ang pinakamalaking tinapay na nakita
Sa isang panaderya, hindi ako nagkasya sa basta na lamang pagtitig.
Kaya't pinaglakbay ko ang kanang palad sa kabuuan nito. Magaspang
Ang mga kumpol ng asukal, makinis ang mga ilang bahagi sa ibabaw.
Magandang tingnan ang tinapay bagaman walang tiyak na hugis anupa't
Napag-iisip pa ako ng ilang di-tiyak na hugis na maaari nitong maging
Anyo. Inilapit ko din ito sa aking ilong. Inamoy at wala akong naamoy
Na tiyak na amoy, ngunit mabango ang munti nitong pagkasunog. Kay-
Laki ng tinapay sa aking mga kamay ngunit walang pinagkaiba sa
Karaniwang tinapay na kailangang pagpira-pirasuhin upang magkasya
Sa buka ng bibig. Kaya't pinagpira-piraso ko ang tinapay. Nahulog sa
Kalsada ang pinakamaliliit na piraso sa pagkasira ng walang-hugis nitong
Anyo. Naisip ko, para sa mga langgam. Isinubo ko ang isang pirasong
Tamang-tama lamang sa maliit na buka ng aking bibig. Ang isang piraso,
Ibinigay ko sa taong-grasa kahit pa hindi siya nagsasalita para humingi
Ng kahit ano. Naisip ko lang, basta bigyan siya ng tinapay. Ibinukas niya
Ang kanang kamay para tanggapin ang tinapay. Sandali niya itong tiningnan,
At tulad ko, dinama, inamoy, at pinira-piraso—bago itinapon sa kanal.

No comments: