Wednesday, December 24, 2008

Ang Ayaw Ko Tuwing Kapaskuhan

PESTENG TRAFFIC. Daig pa ang mga balang sa palayan kung mamerwisyo.

Lumuwas ako noong isang araw para umattend ng party sa Maynila. Lagi kong ginagawa iyon, apat na taon na. Pero nito lang ako nakaranas ng ganoong katinding traffic. Mula ala-una ng hapon hanggang alas-siete ng gabi ang naging byahe ko. Yaong karaniwang tatlong oras na biyahe, naging anim. Mabuti na lang at pasko at medyo mahaba ang pasensya ko, kundi kinain ko na yung paslit na kasama ng babaeng katabi ko sa bus. Sobrang likot, maya't maya tinapakan ang pantalon kong nanlimahid dahil sa sandalyas nya. Kapag ako nagkaanak at kailangang isama sa byahe, sasaksakan ko muna ng ketamine para walang malay.

Ayos na sana, aircon naman. Kaso matapos kong bumaba sa Megamall para maghanap ng banyo (habang naglalakad na parang si Jason Bourne sa Waterloo Station, south entrance), at sumakay ng bus papuntang Quezon City, napurnada na. Sobrang traffic na naman. Isa't kalahating oras akong nakatayo sa salimuot ng pagsakay ng bus sa rush hour. Yung puti kong kamiseta, puta na. Dirty white -- LITERAL. Masikip. Mausok. Maalikabok. Madumi.

Dumating ako sa venue namin nang nanggigitata na. Iwas ako agad sa mga dalagang nagtangkang humalik sa pisngi ko habang nakataas ang kamay at nagsasabing "Hep! Oiliness to ugliness ako. Mamaya na lang." Mabuti na lang at maraming pagkain, matapos ang halos 8 oras kong pakikipagbuno sa trapiko ay pinuno ko naman ng bihon, adobo, lechon, puto at dinuguan ang sikmura ko, habang sumasagot sa mga tanong na:

"Bakit ngayon ka lang?"

"San ka galing?"

"Diretso ka ba mula Quezon?"

"Bakit nakakunot agad ang noo mo?"

"Gift ko, asan na?"

"Kumusta ang trabaho?"

"Sinong nililigawan mo ngayon? Estudyante?"

"Hindi mo na ba talaga ako mahal?"

"Ayaw mo nitong lollipop?"

"T-back, hipster, o see-through?"

"Ano ulit? Pneumonoultramicroscopicsilicovolcanoconiosis?"

Mabuti naman at nairaos ko ang araw na wala akong pinagbabalingan ng sama ng loob. Sa susunod na taon, ayaw ko nang lumuwas nang ganoong petsa kapag mataas na ang araw. Maigi pang pumunta na lang ako ng Baguio, ganoon din katagal. Kinabukasan, maayos naman ang biyahe pabalik ng Lucena, mga apat na oras lang dahil sa traffic, at maigi ring may katabi akong magandang binibining alumna ng UST. Masayang kasama, kahit na mukha siyang nagtanan na hindi sinipot ng kabiyak sa dami ng dala.

***

Mapagpalayang pasko

No comments: