Oo, ikaw nga. Kilala mo ako, at hindi ako naghahambog. Lalong hindi nangungumbinsi. Basahin mo muna ito. Kung mababasag ka, mabuti. Kung hindi, mabuti, sana.
***
Nang matapos na akong mag-aral sa kolehiyo, akala ko ay lulubayan na ako ng mga suliranin sa pag-ibig (at/o libog) ngunit hindi pala. Ayos lang naman kung nandyan sila, ngunit may mga taong sadyang hindi madala-dala o matuto. Nakakatuwa din at may pagkukumparahan ng sarili. Ayos lang din naman yun, sana ay matuto na sila/tayong lahat sa salimuot ng pag-irog, namamangka ka man sa dalawang ilog o habol lamang ay libog.
Sa nakaraang dalawang linggo ay labing-isa na ang nakakausap ko tungkol sa problema nila sa kanilang mga inspirasyon at desperasyon. Ayos din lang, may dahilan para uminom at makakilala ng magagandang dilag (at kanilang magulang!) sa cafe. Nagtataka lang ako kung bakit pa sila namomroblema sa ganitong mga bagay na tila hindi alam kung ano ang gagawin gayong sila itong:
- media saturated
- media saturated sa mga programang tungkol sa pag-ibig
- paborito ang paksang yon kahit hindi aminin
- matalino
Kung manunuod ako ng palabas, mainam na rin na kuhain ko ang mga dapat kong matutunan. Kung panunoorin ko ang "Hitch", (wala akong maisip na ibang pelikula) siyempre hindi lang ako magpapakilig doon. Oobserbahan ko ang tiwala ni Will Smith sa sarili nya, ang pagka-alpha male nya, ang tamang panahon para magsinungaling at hindi, pagtugon sa pangangailangan ng isang babae at iba pa.
Matutuwa ako at matututo.
Dapat ring mapansin natin ang mga bagay na napapaloob sa "falsification of hollywood", yung mga tipong hindi naman talaga ganoon ang nangyayari sa totoong buhay. Kadalasan kasi, yung negatibong aspeto ng pelikula o palabas ang nakukuha ng tao dahil ito ang mas madaling mapansin, e.g. iyakan at sigalot. May mga magsasabing "KJ" ang sinasabi ko dahil hindi sila masisiyahan sa pinpanood nila, ngunit magkakagayon lamang kung kakapit pa rin tayo sa pananaw (at pag-aakala) na hiwalay ang damdamin at isip. Kung mahilig ka sa drama, maigi na makakuha ka ng aral dito kung paano mareresolba ang drama na iyon. Sa aking palagay, alipin ang tao ng media kung walang konkretong pagkatuto rito. Wala akong pakialam kung marami kang ginagawa at hindi mo na kaya pang mag-isip dahil kapos ka sa panahon (na hindi maaaring mangyari pagkat hindi pag-aari ninuman ang oras), kung may mga mas mahalagang problema, makabubuting bawasan muna ang pinagkakaabalahan o palitan ng mas makabuluhan. Hindi lang leksyon ang dapat matutunan sa paaralan kundi dunong. Pakatandaang maasap ang harayang umaapaw sa luha.
Pagpagin ang ilusyong nakakapit sa hangin na sarap lamang ang dadanasin sa pag-ibig.
Mawawangis mo lamang ang sariling palad kapag bahagya na itong malayo sa iyong balintataw.
Kung takot ka sa isang bagay, makabubuting suungin mo na rin ito kaysa hindi.
Hindi lang ikaw ang nagdurusa, may mas malalaking problema sa daigdig mo.
***
Kung mababasag ka, mabuti. Kung hindi, mabuti, sana.
Kita'y uminom sa galak at hindi lamang sa alak.
Wednesday, April 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment