Oo, ikaw nga. Ikaw na tinatawag kong kasali sa Lindsay Lohan Generation.
Ikaw na nasasakop ng karaniwang salitang “kabataan”, ikaw na nakaasa pa rin sa magulang at tinatamasa ang mga karaniwang kumakalupkop sa walang saysay. Sasabihin ko ito sa iyo: kaiba ang likás sa normal. Hindi ito ang kaligayahan. Nagkakamali ka, kaya’t tumungo ka paminsan-minsan at huwag laging tingala at baka ka matisod.
Mag-isip ka kung ano talaga ang iyong nais, kung gusto mo ba talaga ito o pinahihintulutan mo lang ang dikta ng iba. At huwag mong ipagmamalaki na ito talaga ang gusto mo dahil kadalasan, hindi mo alam ang iyong sinasabi. Isip ang gamit sa pag-iisip at hindi pangarap.
Nag-aaral ka para matuto, hindi upang mag-trabaho.
At wala kang dahilan para hindi mag-aral ng mabuti kung pinapag-aral ka naman. Madali lang naman ang buhay, bawat karapatan ay may katapat na tungkulin. Kung karapatan mong mag-aral, tungkulin mong itaya ang buhay mo rito. Suportado ka ng mga sumusuporta sa ‘yo, kaya dapat lang na mag-aral ka ng maigi, di lang sa silid-aralan kundi pati sa labas. Iharap mo sa akin ang isang taong walang pakialam sa kaalaman at hindi lang salita ko ang tatarak sa kanyang tenga.
Hindi lahat ng pagtatakda ay nakasisiil.
Ikaw ang pinaka-masagana sa panahon at kakayahan, huwag mo itong tiimin sa kahunghangan ng media. Huwag na huwag mo ring ipagkakamali ang pahintulot sa pagkakaunawa at ang mabait sa mabuti. Tandaang inaakit tayo ng kagandahan palihis sa daan ng katotohanan. Kung sinasabi mong wala kang pakialam sa sinasabi ng iba, panindigan mo ito at huwag kang maki-uso. Nagkakasala ang sinumang nakayapos sa ilusyon ng sariling pagkakakilanlan. Hindi ikaw ang iyong kabuuan.
Friday, June 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment