Wednesday, March 19, 2008

Sa Pagdududa ay Naroon ang Katiyakan (from interview to kuwentong inuman)

Mag-iisang taon na akong walang trabaho, mag-iisang taon nang sinisikap na punuan ng kahulugan ang mga bakanteng oras ng mga lumilipas na araw, at mag-iisang taon nang nagdududa kung ano ba talaga ang natutunan ko sa apat na taon ko sa pamantasan. Sa tatlo kong nabanggit, ang huli ang pinakamabigat dahil naririto ang nagbabadyang kaba na baka nga nag-aksaya lang ako ng panahon sa aking kurso. Ngunit kahapon, sa gitna ng agam-agam kung bakit hindi ako sinipot ng dalawa kong kaibigan sa mga napag-usapang lakad, ay hindi ko akalaing doon ko matatantong hindi pala ako nagtapos ng walang dunong sa iilang mga bagay.

Nagpaunlak ako ng isang panayam, ayon na rin sa pag-uudyok ng editor-in-chief ng The Flame, sa isang sophomore ng kursong journalism na news staffer din ng nasabing pahayagan. Kung gaano kalamig ang org room ay siya namang init ng panayam na di naglaon ay naging diskusyon na rin, pinagpag ng aming mga bulalas at halakhak ang katahimikang nakalatag sa silid. Interesado naman ang nasabing news staffer na matamang nakikinig sa aming pinagsasasabi, dahil ang mga bagay na aming binabahagi ay may agarang pagkakaugnay sa kanya hindi lang bilang isang mag-aaral kundi bilang isang tao na rin. Sa kanyang balintataw ay makikita ang kahali-halinang puwang na nakakaengganyong punuan hindi lang ng kaalaman ngunit mas lalo na ng silbi. Sa bawat diin ng aking sinasabi ay kasabay ang kumpas ng mga kamay ko sa pagtatangkang pawiin ang pagwawalang-kibo na nakatalukbong sa mga isyu.

Marami kaming napag-usapan bukod sa paksa ng kanyang sinusulat: aktibismo, layunin ng isang institusyong pang-edukasyon, layunin ng isang mag-aaral sa pamantasan, feckless pluralism ng mga org sa pakultad, pamamahayag sa pamantasan, ang silbi ng kaalaman sa lipunang kanilang ginagalawan, at pati na rin ang mga karanasan ng klase namin sa kontrobersya ng Nestle Philippines. Sabihin man ng isang tagapakinig na kalat-kalat ang mga paksang napag-usapan, alam naming ito’y tagni-tagni kung pag-iisipan. At lahat ng mga ito’y lapat sa napapanahong konteksto at hindi lutang sa apalaap.

Upang mapagaan ang bigat ng mga isyung aming pinag-uusapan ay nagbibiro kami matapos makapagbatuhan ng iilang mga ideya. Ngunit bawat halakhak na aking pinawawalan ay hindi lamang dahil sa pagtawa ngunit dahil sa masaya ako nang mga oras na iyon—marami na pala akong ideyang nabungkal mula sa hukay ng aking alaala simula pa noong nag-aaral ako sa kolehiyo. Masaya ako dahil may bukas sa ganitong diskursong mga mag-aaral, mga kabataang mula sa henerasyong tagapakinig ng Soulja Boy sa ipod. Masaya ako dahil sa gitna ng aking pagdududa, hindi rin naman pala ako nagtapos ng walang dunong sa iilang mga bagay.

Mas masaya siguro kung nangyari ito habang lumalagok kami ng alak. Hindi man kami lango sa serbesa ng hapong iyon, tiyak kong lango ang aming damdamin at isipan sa mga usapin.

No comments: