Monday, November 30, 2009

Sociology

Marami ako'ng nalimutang sabihin noong Biyernes. May paoutline-outline pa akong nalalaman sa kapirasong papel, hindi ko rin naman pala masusunod. Nag-alala kasi ako na baka masyadong mapahaba ang sasabihin ko noon, kaya tuloy, nawala ako sa wisyo.

Titiyagain ko na mailagay dito ang iba sa mga yon.

Binabawi ko na ang sinabi ko noong nasa kolehiyo ako, na hindi ko tiningnan ang pag-aaral ng Sociology dahil sa trabaho nito, na lagi ko lang muna iniisip na pag-aralan ang lipunan. Lingid pala sa nalalaman ko, lagi kong iniisip ang magiging trabaho ng nasa disiplina ko. At ang trabahong yun ay talagang gusto ko, kaya naman sabi ko nga nung Biyernes, talagang nagtiis ako ng isang taon na walang trabaho para mapapunta sa ninanais kong karera. Tatlo lang talaga ang gusto kong puntahan, at yun ang tatahakin talaga ng isang Sociology major: pananaliksik (research), community development, at akademya. Naroon ako ngayon sa ikatlo. Sa totoo lang, sulit ang paghihintay ko. Pati na ang pangungutya ng ibang tao, pati na ang pagdududa sa sarili. Hindi sa pagmamayabang kahit kilala akong mayabang, sa tuwing makikita at mararamdaman ko ang pagkamangha ng estudyante sa klase ko dahil sa pagpapaliwanag ko ng teorya, problema sa lipunan at kahit pagbibiro, pawi na ang pagod ko sa pagdidikta ng mga depinisyon at kung anu-ano pa. Paalala itong hindi talaga ako nagkamali.

Siyempre, bukod pa ang sinabi ni sir Batoon nung PTSA na tama naman talaga, kahit saan kami pumunta ay may trabaho kami. Sa isang banda, nakakatuwang isipin na kami na inaaral ang masasamang dulot ng division of labor ay hindi naman talaga napapasailalim nito, dahil sa totoo lang, hangga't may tao, may kakalagyan ang socio. Kung ang isang taga-Nursing ay magiging nurse, accountancy ay magiging accountant, hindi kami ganun, LAMPAS kami sa ganoong sistema.

Tuwang tuwa talaga ako sa batch ng 4th year ngayon. Dati, medyo banas talaga ako sa kanila. Medyo hindi ko talaga sila trip. Hindi ko pa sila masyadong kilala, iilan lang. Si Rap, joker. Si Roxy, mataray. Si Kat na magaling mangatwiran (yak, shifter). Si Harry, maangas noon (maldita na ngayon). Payat pa si Aika dati, crush ko pa sya nun (yiiiii F na F!). Si Ms. Agoncillo, akala ko dati Mr. Si Danzel, akala ko mukhang yosi at volleyball lang. Hindi ko nga kilala noon ang PM nila ngayon na si Claire na pseudo-ex pala ni...

Pasintabi lang po. But in all this bluster, I'm saying this with all the love in the world.

Pero noon yun, 3 years ago. Nakakahiya, ako itong nabigyan ng pagsasanay sa pananaliksik at namuhunan ng malaki sa teorya ng phenomenology, ako pa ang may angas na magkaroon ng bias noon. Sabi kasi nila noon, salitan ang batch na magagaling, kaya ngayon, mali ako. Lalo na noong Setyembre, nung pumunta ako sa TBS nila. Ang pinangangambahan kong pagka-OP (hindi order of preachers) ay hindi halos nangyari. May birtud yata ng pakikisama ang mga yun, kaya naman madali ko silang nakatrabaho bilang biglaang facilitator. Tuwang tuwa ako, isa iyon sa pinakamagagandang TBS na nangyari sa kasaysayan ng USTSS ngayong dekada. At ang PTSA na sinimulan namin noong 4th year kami at freshmen lang sila, maganda din. Sana mas maraming Alumni next time.

Sa mga alumni, lalo na sa mga ka-batch ko, alam kong may ilan sa kanila na ayaw pumunta dahil sa isang dahilan: nahihiya. Nahihiya dahil hindi nila pina-practice ang disiplina namin. Ok lang yan guys, tyagaan lang. Wag lang hayaan ang sariling mapako sa kinalalagyan at masaya tayong lahat. Sa may mga determinasyon, hindi maaaring hindi matupad ang pangarap; nauudyot lang.

Ipinagmamalaki ko talaga ang karera kong hindi naman masyadong malaki ang kita SA NGAYON (ayan ha, caps lock). Ang ikinaangas-angas ko noon sa AB, binawasan ko na muna ngayon kasi wala akong napalang maganda kung hindi ko tatabasan ng kaunti. Kung babanggain mo ang isang istraktura, konkreto man o ideya, malamang-lamang ikaw ang babagsak, masasaktan, mabibigo. Hindi naman ako tinuruan ng ganoon sa Community Development. Ang sabi nga ni Alinsky, work within the system, not against it. Nagpakumbaba ka na, nasa stratehiya ka pa. Two-for-one sale. Kung may ibabagsak, siguraduhing may itatayong panibago mas mainam. Kung hindi, para ka rin lang nang-giyera ng mahinang bansa dahil taliwas sila sa pinaniniwalaan mo. O kaya, rebeldeng walang napala at napatunayan.

Panalo talaga ang limang gabing pagbubuno ko ng final paper ko sa Trends in Social Development sa ilalim ni Ka Puroy noon. Huling semestre ko na noon sa kolehiyo. Tulpok sa keyboard, kutos sa sarili, kamot sa ulo, tulpok uli. Limang gabi ba namang pag-isipan ang tatahakin mong landas pagka-graduate, kundi ka ba naman lumabnaw ang utak at dadgain sa dibdib. Dagdagan pa ang pagbibigay ng isang teorya na susuporta sa kukuhain mong trabaho, tapos isi-synthesis. Matapos ang limang gabi, naipasa ko na ang limang pahinang laman ang Theory of Communicative Action ni Habermas at tatahakin ko sa akademya. Kung susumahin, parang mas maipagmamalaki ko pa iyon kaysa sa thesis ko. Dapat talaga, binibigyan ng ganoong paper ang 4th year taon-taon, para magising sila sa katotohanan at harapin ito.

Sabi ko kasi sa sarili ko noon na gusto ko ring sabihin sa mga dumalo ng PTSA noong Biyernes (kaso hindi ko nga nasabi), kundi ko makikita ang personal na karakter ko sa propesyon ko, ang pagkatao ko, binalewala ko lang ang labing-anim na taon kong pag-aaral sa pormal na edukasyon. Nag-utuan lang kami lahat ng mga nakasama ko sa pamantasan, kaklase ko, propesor, guidance counselor, kaibigang manunulat, seniors at lower batch, librarian at student assistans dahil sa pangungulit ko lagi sa Social Science at Journals section ng Central Library, nina manong guard, mga nagtitinda ng pagkain para kina manong guard (mura lang, P25 busog ka na), mga nagbasa ng sinulat ko sa publication, manggagawa sa Nestle, kabataan at katutubo sa Maligcong, magsasaka sa DRT at Laguna, Aeta sa Zambales, at higit sa lahat, ng sarili ko.

Marami nang nagyayaring utuan sa paligid ko sa dumaang dalawang dekada kong nabubuhay. Ayaw ko nang sumali pa. Sarili ko rin lang ang una't huli kong lolokohin, kaya hindi na lang.

Sa mga nasa larangan ng Sociology, makasama ko sana kayo sa salimuot ng lipunan at pagka-makulay ng ating disiplina. Hangga't mahigpit ang hawak, hangga't hindi bibitaw ang timpi. Ang inyong pagpupursige ay siya ko ring pagpapatuloy.

No comments: